GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Vicky sa Surigao del Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Mahigit 900 na indibidwal na naapektuhan ng bagyong Vicky sa Surigao del Sur ang hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Vicky sa Surigao del Sur

By MARAH RUIZ

Dahil sa pananalasa ng bagyong Vicky, ilang mga lugar ang nalubog sa baha bago mag-Pasko.

Isa na rito ang Barangay St. Christine sa Surigao del Sur.

Dito nakilala ng GMA Kapuso Foundation ang 47-taong gulang na si Erna Sabitsana.

 

Erna Sabitsana


Nasira ng pagbahang dulot ng pag-apaw ng ilog ang bahay nina Erna. Nasira din ang kanyang mga tanim na gulay at prutas na dating pinagkakakitaan.

Pansamantala silang kinupkop ng kanilang mga kapitbahay nitong nakaraang Pasko.

"Ang sa amin naman, hindi naman kailangan mag-celebrate dahil po galing kami sa calamity. Basta lang po nagsama-sama kami na okay po ang aming pangangatawan at kalusugan," pahayag ni Erna.

Para mabigyan ng bagong simula si Erna at iba pang mga naapektuhan ng bagyo, tumungo ang GMA Kapuso Foundation sa pitong eskuwelahan sa Barangay St. Christine at iba pang mga barangay sa Surigao del Sur.

Nagpamahagi dito ng Give a Gift bags na may lamang pagkain, hygiene kits at mga laruan para sa mahigit 900 na indibidwal.

"Sobrang nagpapasalamat po ako. Nagpapasalamat po ako ngayon na nandito po kayo, taga GMA Kapuso Foundation. Malaking tulong po sa amin," ani Erna.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa pamamahagi ang Armed Forces of the Philippines, Joint Task Force-NCR, 3rd Special Forces Battalion ng Philippine Army, 401st and 402nd BDE and 26th BN ng Philippine Army.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.