GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng Give A Gift bags sa mahigit 3,000 estudyante sa Quezon province | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng Give a Gift bags ang GMA Kapuso Foundation na may laman na mga pagkain, hygiene kits, at mga laruan

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng Give A Gift bags sa mahigit 3,000 estudyante sa Quezon province

By MARAH RUIZ

Dinala ng GMA Kapuso Foundation ang Give A Gift project sa Quezon province para makapagbigay ng tulong sa mga mag-aaral doon.

Sa pagbisita ng GMA Kapuso Foundation sa Polillio Island, nakilala nila si Rosalie Mutya, isang 43-year-old na nanay.

Limitado na ang kilos ni Rosalie matapos ma-stroke dalawang taon na ang nakakalipas.

 

 

"Ako nga po ay hindi makapag trabaho. Kami'y naghihirap talaga. Kami po ay kinakapos sa pagkain," pahayag niya.

Nagko-copra ang asawa ni Rosalie pero kulang din ang kinikita nito para sa kanilang pitong anak lalo na at naapektuhan ng bagyong Rolly ang kanilang mga panannim.

"Napaka bait po ng aking mga anak. Kahit po kami'y naghihirap, nagsisikap po silang mag-aral para po mabago ang buhay namin," ani Rosalie.

Sinusubukan din ng kanyang mga anak na tumulong sa pagtatrabaho para madagdagan ang kanilang panggastos.

"Taga-walis ng school habang nag-aaral at binabayaran po ako. [Sumasama] po [sa] pagdadagat, may libre na po kaming ulam," pahayag ni Claris Mutya, isa sa mga anak ni Rosalie.

Sinisikap ng magkakapatid na matapos sa pag-aaral.

"Gusto ko pong maging teacher. Gusto ko pong tumulong sa pamilya ko," dagdag ni Claris.

"Gusto ko pong maipundar ng bahay po 'yung magulang ko. Gusto ko pong maging successful," pahayag naman ng kapatid ni Claris na si Pamela.

Para matulungan sila at iba pang mga katulad nila, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng Give a Gift bags sa mahigit 3,000 mag-aaral sa walong paaralan ng Polillo Island at 10 paaralan sa General Nakar.

May lamang mga pagkain, hygiene kits, at mga laruan ang bawat Give a Gift bag.

Katuwang sa proyekto ang 2nd Infrantry Division, 202 BDE, 1st IB, 564 EBN, at LGU ng Polillo.

"Kami po'y nagpapasalamat at kayo po, ang GMA Kapuso, ay nakarating dito. Naabot po 'yung aming lugar kahit po ito ay isla," pasasalamat ni Rosalie.

Bukod dito, naghatid din ang GMA Kapuso Foundation ng mga gamot sa municipal health office ng Infanta, Quezon.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.