GMA Kapuso Foundation, ipinaayos ang mga ipinatayong Kapuso schools sa Bicol | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sinimulan na ng GMA Kapuso Foundation ang rehabilitation at renovation ng mga Kapuso school sa Bicol na naapektuhan ng bagyo.

GMA Kapuso Foundation, ipinaayos ang mga ipinatayong Kapuso schools sa Bicol

By MARAH RUIZ

Mahalaga sa mga komunidad ang mga paaralan dahil bukod sa lugar ito para maabot ang pangarap ng mga estudyante, nagsisilbi rin ang karamihan ng mga itong takbuhan tuwing may mga kalamidad.

Dahil dito, sinimulan na ng GMA Kapuso Foundation ang major rehabilitation at renovation ng 36 Kapuso schools sa Bicol na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

Isa na rito ang ilang silid-aralan ng Bariw Elementary School sa Camalig, Albay. Ipinatayo ito ng GMA Kapuso Foundation noong 2007.

"Lagi po kami dito lumilipat. Itong GMA po, nagpapasalamat kami kasi talagang safe kami lagi dito 'pag may sakuna, 'yung bagyo," pahayag ni Crisanta Nipa, isa sa mga residenteng pansamantalang namalagi sa paaralan noong mga nakaraang bagyo.

Noong nakaraang Disyembre, ipinaayos ng GMA Kapuso Foundation ang dalawang gusali na may anim na silid-aralan sa Bariw Elementary School.

"Two years ago, we decided na 'yung mga legacy schools ng GMA Kapuso Foudantion na unang itinaguyod ni Tita Mel [Tiangco], dapat i-repair. Finally this year, natuloy na 'yung renovation project namin sa Bicol," pahayag ni Rikki Escudero-Catibog, EVP and COO ng GMA Kapuso Foundation.

Mas pinatibay at pinaganda ang mga pasilidad ng mga Kapuso school sa rehiyon.

"Ang ating mga classroom ay tinatawag nating 'disaster-resilient.' Ibig sabihin niyan, hindi lang bagyo kundi pati mga lindol up to magitude 8 kayang i-withstand noong ating mga school building na ginagawa," pahayag naman ni Engr. Edgar Eniego, senior project engineer ng GMA Kapuso Foundation.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa BTICINO at Hanabishi sa kanilang pakikiisa sa proyekto.

Bukod sa mga gusali, hinandugan din ng Give-A-Gift bags na naglalaman ng pagkain, hygiene kits at laruan para sa 200 estudyante ng Bariw Elementary School.

 

 

Katuwang sa pamamahagi ang Southern Luzon Command, 9th Infantry Division, 51st EBDE, at 565th ECBN ng Philippine Army.

Patuloy din ang rehabilitasyon sa iba pang Kapuso schools sa Bicol at nakatakdang muling ipagkaloob ang mga ito sa katapusan ng Enero.

Bumisita din ang GMA Kapuso Foundation sa Albay Provincial Health Office para magpaabot ng mga gamot, kabilang ang Ascoff Lagundi for Kids na muling nakiisa sa operasyon.