GMA Kapuso Foundation, nagdaos ng bloodletting project sa Baguio City | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Idinaos ng GMA Kapuso Foundation ang Sagip-Dugtong Buhay bloodletting project sa Baguio City.

GMA Kapuso Foundation, nagdaos ng bloodletting project sa Baguio City

By MARAH RUIZ

Bukod sa Operation Bayanihan ag Give-A-Gift project, patuloy na isinusulong ng GMA Kapuso Foundation ang Sagip-Dugtong Buhay blood-letting project.

Idinaos kamakailan ang bloodletting project sa Philippine Military Academy sa Baguio City.

Dito nakilala ng GMA Kapuso Foundation ang isang kadete na naging first-time blood donor na may type AB na dugo.

Ayon sa Philippine Red Cross, 4-6% lang mga Pilipino ang may ganitong blood type.

 

 

Kristopher John A Soriano

 


"Masarap sa pakiramdam na makatulong. Lalo na AB [ang blood type ko], konti lang naman ang pwedeng mag-donate," pahayag ni Kristopher John A. Soriano, cadet 3rd Class Corporal, Alpha Company, PMA.

Maituturing naman beterano sa pagdo-donate ng dugo si Major Frederick C. Buscado, PAF, Group Staff for Education Plans and Programs, Headquarters, Tactics Group, PMA.

Sampung taon na kasi siyang nagdo-donate ng dugo.

"High school classmate ko so nag-donate ako ng dugo sa kanya sa pangangailangan niya dahil may leukemia sya. Sad to say, mga after a few months, namatay siya. Pero at least siguro naka-contribute naman 'yung dugo ko sa pag-extend noong buhay niya," bahagi niya.

Kabilang sila sa mahigit 400 cadets, staff at mga opisyal ng PMA na nakiisa sa Sagip-Dugtong Buhay bloodletting event ng GMA Kapuso Foundation sa Baguio City.

Mapupunta ang mga donasyong dugo sa mga ospital sa Benguet at maging sa Metro Manila.

Nakatakdang magbigay muli ng dugo ang PMA ngayong Enero at Pebrero.

Sinisuguro naman ng GMA Kapuso Foundation na ligtas ang bloodletting lalo na at may bagong strain ang COVID-19.

Lubos naman nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Red Cross, Philippine Military Academy, Baguio General Hospital at Jollibee Group sa proyekto.

Sa mga gustong mag-donate ng dugo, makipag-ugnayan lang sa kahit anong branch ng Philippine Red Cross.