GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 2,500 mag-aaral sa Aurora | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nasa 2,500 mag-aaral sa 14 na paaralan sa Aurora ang hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 2,500 mag-aaral sa Aurora

By MARAH RUIZ

Nagpatayo ng Kapuso school building ang GMA Kapuso Foundation sa Villa Aurora Elementary School noong 2005.

Natabunan kasi ng lupa ang paaralan dahil sa bagyong Unding.

Naging saksi si GMA Kapuso Foundation Founder and Ambassador Mel Tiangco sa unang batch ng mga mag-aaral na nagtapos sa Kapuso school na ito.

"Ako naman ay natutuwa na napakaganda at napakatayog ng inyong mga ninanais sa buhay," pahayag niya sa graduation rites ng paaralan noong 2005.

Isa si Mary Jane dela Cruz sa mga estudyanteng nagtapos noon at nakatanggap pa ng parangal.

Naitago rin niya ang picture niya sa entablado kasama si Tita Mel at lubos siyang nagpapasalamat sa GMA Kapuso Foundation para sa tulong na ibinigay nila noon.

"Napakalaking pakinabang kasi kung hindi po nakapagpatayo 'yung GMA Kapuso Foundation noon, baka po ang layo noon ng maging school sana namin," ai Mary Jane.

"Nagpapasalamat nga ako kay Ma'am Mel na talaga pong pinatapos niya pong ipagawa 'yung school nga po namin noon," dagdag pa niya.

Grade 3 students naman noon sina Christian Renz Santos at Marvielyn Aira Tapar noong ipinatayo ang paaralan.

Isang private school teacher na ngayon si Christian.

"'Yun talaga 'yung nagbigay ng inspirasyon sa akin para magsumikap ako sa pag-aaral," bahagi ni Christian.

Naghahanda naman ngayon para sa licensure examination si Marvielyn para maging ganap na guro.

"Kung hindi po dahil dito, baka po marami po saming mga kabataan ngayon na hindi po nakapag-aral," aniya.

Sa pagbalik ng GMA Kapuso Foundation sa Aurora, nagbigay ito ng tulong sa 2,500 estudyante sa 14 na paaralan.

Bahagi ito ng Give-A-Gift project ngayong bagong taon para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses sa Aurora.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa operasyong ang NOLCOM, 7th Infantry Division, 91st Infantry Battalion ng Philippine Army, at 1st Aurora PMFC ng Aurora Provincial Police.

Sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.