GMA Kapuso Foundation, naghatid ng Give-A-Gift bags sa mahigit 1,000 anak ng magsasaka | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Mahigit 1,000 anak ng magsasaka ang binigyan ng GMA Kapuso Foundation ng Give-A-Gift bags sa Aurora.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng Give-A-Gift bags sa mahigit 1,000 anak ng magsasaka

By MARAH RUIZ

Tapos na ang Pasko pero tuloy pa rin ang pagbibigay ng GMA Kapuso Foundation ng saya at bagong pag-asa para sa mga kabataan.

Sa pagpapatuloy ng Give-A-Gift project, tinungo ng GMA Kapuso Foundation ang Aurora.

Dito nila nakilala si Jerson Ikug, isang 43-taong gulang na mang-uukit.

 

 

Pinadapa ng pandemya ang kanyang kabuhayan at lalo pa siyang pinahirapan ng nagdaang bagyong Ulysses.

Sa ngayon, nagtatrabaho sa bukid si Jerson para maitaguyod ang anim niyang anak.

"Para po may makain 'yung pamilya ko, nagsasaka po sa bukid--nagtatanin ng palay, 'yun pong mais, kamote. Nagsisikap akong magtrabaho para sa inyo. Makakaraos din tayo," pahayag niya.

Patuloy ang paghahatid ng tulong at munting handog ng GMA Kapuso Foundation sa mga tulad ni Jerson na naapektuhan ng bagyo noong nakaraang taon.

Isa ang mga anak ng magsasaka sa prayoridad na binibigyan ng regalo ng GMA Kapuso Foundation, kaya naghatid ito ng Give-A-Gift bags para sa mahigit 1,000 mag-aaral sa Aurora.

Katuwang sa pamamahagi ang NOLCOM, 7th Infrantry dDivision, 91st Infantry Battalion ng Philippine Army at 1st Aurora PMFC ng Aurora Provincial Police.

"Ang pamunuan po ng Aurora ay lubos na nagpapasalamat sa GMA Kapuso Foundation. Patuloy pa po tayong nagbibigay ng biyaya para sa ating mga learners," pahayag ni Danilo Jacoba, Asst. School Superintendent, Division of Aurora, DepEd.

Bukod dito, naghatid din ang GMA Kapuso Foundation ng mga gamot para sa Aurora Memorial Hospital.

"Ito po ay para sa mga walang kakayanang bumili ng gamot. Malaki po ang ma-extend na tulong nito," Dr. Vladimir Enriquez, head ng Aurora Memorial Hospital.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.