800 na mag-aaral sa Isabela, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation para sa 800 na mag-aaral sa Isabela na naapektuhan noon ng bagyong Ulysses.

800 na mag-aaral sa Isabela, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Isa ang Isabela sa mga matinding naapektuhan ng bagyong Ulysses noong nakaraaang taon.

Kaya naman tumungo rito ang GMA Kapuso Foundation para sa Operation Bayanihan at Give-A-Gift project para naman sa mga bata.

Ang bayan ng Cabagan ay nabalot ng putik dahil sa pag-apaw ng Cagayan River.

Matapos ang ilang buwan, nagsisimula nang bumangon ang lugar.



Isa sa mga nagsisikap magsimula muli ay ang pamilya ni Carmen Flores, 42 years old.

 

GMA Kapuso Foundation in Isabela

 


Naapektuhan ng pandemya ang trabaho ng kanyang mister na si Larmi, 45 years old sa Maynila.

"Noong pandemic po, nawalan siya ng trabaho. Para makatulong po kami, nagmamais po kami sa kapitbahay namin, nagtutusok ng tabako. 'Yung kasama ko, mga bata," kuwento ni Carmen.

Pero bihira silang makapagtrabaho sa taniman ng mais dahil karamihan sa kanilang lugar, kulang o walang pambili ng binhi.

Pilit na pinagkakasya ni Carmen ang P200 na kita tuwing makakadiskarte siya.

Kaya naman lubos ang pagpupursigi ng anak niyang si Lanni, pangalawa sa anim na magkakapatid, na makatapos ng pag-aaral.

"Gusto ko pong tulungan si mama saka si papa. 'Yung dati nilang paghihirap ay ibabalik ko po sa kanila ng tagumpay po," aniya.

Kabilang ang kanilang pamilya sa sindaya ng GMA Kapuso Foundation sa Cabagan, Isabela.

Sa tulong ng NOLCOM, 5th Infantry Division, 501st and 502nd Infantry Battalion, 95th Infantry Battalion (SALAKNIB) ng Philippine Army, matagumpay na naiparating ang 800 Give-A-Gift bags para sa mga estudyante ng apat na paaralan sa Cabagan, Isabela.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong, bukas ang GMA Kapuso Foundation sa inyong donasyon. Maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.