Paaralang ipinaayos 14 years ago, binalikan ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Binalikan ng GMA Kapuso Foundation ang isang paaralan na ipinaayos 14 years ago para muling maghatid ng tulong.

Paaralang ipinaayos 14 years ago, binalikan ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Bumalik ang GMA Kapuso Foundation sa isang paaralan sa Prieto Diaz, Sorsogon na naging isang Kapuso School 14 taon ang nakalilipas.

Ipinaayos ng GMA Kapuso Foundation ang dalawang silid ng San Rafael Elementary School noong 2007 nang masira ito dahil sa magkakasunod na bagyo noong 2006.

Ngayon, San Rafael Integrated School na ang opisyal na pangalan ng paaralan.

Si John Carlo Santillan, isang estudyante na dating nakasama ni GMA Kapuso Foundation Founder and Ambassador Mel Tiangco sa pagbisita niya sa eskuwelahan ay isa nang ganap na teacher dito.

 

 

"Noong bata pa ako, pangarap ko po talaga maging isang teacher. Sa pagtitiyaga ko sa pag-aaral, nakamit ko 'yung pangarap ko," pahayag niya.

Samantala, ang guro niya noon na si Francisco Destura Jr., principal na ngayon ng eskuwelahan.

"Ngayon po, isa na po siya sa nagtuturo dito ngayon. Hindi siya nawalan ng pag-asa. Sabi niya nga sa akin, sa ganoong paraan makakatulong siya sa mga bata dito sa San Rafael," paglalarawan niya sa katrabaho.

Hanggang ngayon, hirap pa rin ang mga guro at mag-aaral dahil sa mahigit limang kilometrong dirt road patungo dito.

Bukod doon, naluma na rin ang ilang pasilidad ng eskuwelahan lalo na at naapektuhan ito ng bagyong Rolly noong nakaraang taon.

Kaya naman muling ipinaayos ng GMA Kapuso Foundation ang dalawang silid ng Kapuso School sa tulong ng Philippine Army.

Katuwang din sa operasyon ang AFP Southern Luzon Command, 9th Infantry Division ng Philippine Army, 51st Engineer BDE, 565th Army Engineer Construction BN, at Philippine Air Force.

Lubos ding nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa Hanabishi, BTCINO, at Apollo Lightings.

Nai-turnover na rin kamakailan ang Kapuso School sa DepEd Sorsogon.

"We want na many generations of San Rafael residents get to use it. Lagi niyo pong katuwang ang GMA Kapuso Foundation," pahayag ni GMA Kapuso Foundation EVP and COO Rikki Escudero-Catibog.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.