Paaralang nasira ng bagyong Rolly sa Albay, ipinaayos ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ni-renovate ng GMA Kapuso Foundation ang Sto. Domingo Central School, isang paaralang napinsala ng bagyong Rolly sa Albay.

Paaralang nasira ng bagyong Rolly sa Albay, ipinaayos ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Matapos ang 14 taon, binalikan ng GMA Kapuso Foundation ang Sto. Domingo Central School sa Albay.

Napinsala kasi ito ng bagyong Rolly noon nakaraaang taon.

Taong 2007 nang unang ipaayos ng GMA Kapuso Foundation ang paaralan.

Sa mahigit isang dekada, nagsilbi itong lugar para sa edukasyon ng mga bata at pansamantalang kanlungan ng mga residente tuwing may kalamidad.

Dahil sa mahalagang papel na ito ng eskuwelahan sa komunidad, mas pinatibay at mas pinaganda pa ng GMA Kapuso Foundation ang eskuwelahan para sa mga residente dito.

 

 


Si Amy Garay, dating estudyante ng paaralan ay isang teacher na dito. Dito na rin nag-aaral ang kanyang pitong taong gulang na anak.

Kaya naman malaking dagok daw para sa kanila nang masira ng bagyong Rolly ang paaralan.

"Dito sa school, 'yung sanga ng kahoy ng narra bumagsak doon sa may bubong. 'Pag uumulan, tumutulo na 'yun," pahayag ni Amy.

Mabilis na tumugon ang GMA Kapuso Foundation para mapaayos at mapaganda ang paaralan. Sinumulan ang rehabilitation nito noong November 2020 sa tulong ng Armed Forces of the Philippines.

Nitong Enero, opisyal na itong ng nai-turnover sa Sto. Domingo.

"Sobrang saya kasi mapapalitan na ng bagong classroom, magiging kumportable," ayon kay Amy.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa operasyon ang AFP Southern Luzon Command, 9th Infantry Division ng Philippine Army, 51st Army Engineer BDE, 565th Army Engineer construction BN, at Philippine Airforce.

Ang Sto. Domingo Central School ay binubuo ng 20 silid na mas pinaganda at mas pinatibay pa. Kaya na nito ngayon ang 280 kph na lakas ng hangin at hanggang intensiy eight na pagyanig ng lindol.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa Hanabishi at Apollo Lighting sa pakikiisa nila sa proyekto.

Samantala, nakipagugnayan naman ang local na pamahalaan sa GMA Kapuso Foundation para alamin ang mga ginawang hakbang para magamit sa pagpapatibay ng iba pang mga paaralan sa Bicol.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.