GMA Kapuso Foundation, namahagi ng newborn baby kits para sa mga pampublikong ospital | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng mga diapers, bath essentials at food packs ang GMA Kapuso Foundation para sa mga bagong silang na sanggol sa ilang pampublikong ospital.

GMA Kapuso Foundation, namahagi ng newborn baby kits para sa mga pampublikong ospital

By MARAH RUIZ

Ayon sa tala ng UP Population Institute, nagkaroon ng 42% pagtaas ng unintended pregnancy noong 2020.

Tinatayang isa ito sa mga naging epekto ng community quarantine sa iba't ibang bahagi ng bansa.

 

 


Isa si Danny Catong sa mga nagkaroon ng anak ngayong quarantine.

Ang kanyang anak na si baby Denise, naka-admit ngayon sa East Avenue Medical Center.

"'Yung anak ko po ay isang premature [baby]. Hindi ko po akalain na magiging ganoon," pahayag ni Danny.

"Eight months lang siya noong lumbas. Si baby Denise ay may sakit sa puso na pulmonary stenosis with ventricular septal defect. Mayroon siyang mga impeksiyon pa na aming ginagamot. At dahil si baby ay kulang pa sa buwan, kulang pa sa timbang kaya kino-correct muna namin," paliwanag ni Dr. Dyane Atienza sa kondisyon ng sanggol.

Bilang tulong at regalo sa mga bagong silang na sanggol, naghatid ang GMA Kapuso Foundation at Joint Task Force-NCR ng Philippine Army ng newborn baby kits sa apat na pampublikong ospital sa Metro Manila.

May lamang diapers, bath essentials at food packs ang bawat kit na naipamahagi sa 150 sanggol sa Philippine Children's Medical Center, National Children's Hospital, Quirino Memorial Medical Center at East Avenue Medical Center.

Lubos na nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Kimberly-Clark Philippines, Inc. sa proyekto.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.