GMA Kapuso Foundation, ipapa-opera ang anak ng na-aksidenteng OFW | GMANetwork.com - Foundation - Articles

GMA Kapuso Foundation ang sumagot sa operasyon sa cleft palate ng anak ng OFW na nahulog sa gusali sa Saudi Arabia.

GMA Kapuso Foundation, ipapa-opera ang anak ng na-aksidenteng OFW

By MARAH RUIZ

Napabalita noong nakaraang taon ang dinanas ni Janet Calayag, isang OFW o overseas Filipino worker na naging kritikal matapos mahulog mula sa ika-apat na palapag ng gusaling pinagtatrabahuhan niya.

Tinulak, 'di umano, si Janet ng kanyang katrabahong security guard na isang Arabo.

Nitong nakaraang Enero, nakauwi na sa kanyang pamilya sa Bulacan si Janet mula sa Jeddah, Saudi Arabia kung saan dalawang taon siyang nagtrabaho bilang isang on-call cleaner.

Nakipagsapalaran siya dito para sa tatlo niyang anak, lalo na at ang kanyang bunso ay nangangailangan ng operasyon.

Bakas pa rin kay Janet ang pinasalang sinapit, tulad ng kanyang kaliwang braso na hindi pa rin niya maigalaw.

 

GMA Kapuso Foundation

 


"Pinilit kong palakasin ang sarli ko sa abroad dahil po mas inisip ko po 'yung anak ko," pahayag niya.

May cleft palate kasi ang kanyang bunsong anak na si Zhea, 4 na taong gulang.

"Na-operahan po siya ng 5 months sa ngalangala. Gusto kong masuporta 'yung mga pangangailangan para ang salita niya maging diretso," ani Janet.

Nakipag-ugnayan ang GMA Kapuso Foundation kay Janet para sa pangalwang operasyon ng kanyang anak.

"Na-operahan na siya sa cleft lip at 'yung pangalawang operasyon niya, sa cleft palate. Kailangan siyang ma-operahan kasi nga mayroon pang maliit butas. Lumalabas pa 'yung hangin sa maling daan," paliwanag ni Dr. Hector Santos, surgeon sa Philippine Band of Mercy tungkol sa kundisyon ni Zhea.

Nakatakada nang operahan si Zhea sa susunod na linggo. Matapos noon, nangangailangan siya ng speech therapy.

Kinonsulta na rin ng GMA Kapuso Foundation ang kalagayan ni Janet.

"Mayroon pa akong nakikitang misalignment ng kanyang elbow kaya hindi niya pa mabaluktot 'yung elbow niya nang mahusay," ani Dr. Santos.

Nagpapasalamat naman si Janet sa tulong na natanggap niya para sa kanyang anak.

"Nagpapasalamat po ako sa GMA Kapuso Foundation. 'Yung mga hirap na narasanan ko ay napalitan po ng saya," sambit niya.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.