GMA Kapuso Foundation, binigyan ng bagong bubong ang mangingisdang nasiraan ng bahay | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Binigyan ng bagong bubong ng GMA Kapuso Foundation ang isang mangingisdang nasiraan ng bahay dahil sa bagyong Ulysses.

GMA Kapuso Foundation, binigyan ng bagong bubong ang mangingisdang nasiraan ng bahay

By MARAH RUIZ

Isa ang pangingisda sa pangunahing kabuhayan sa Dingalan, Aurora.

Isang mangingisda dito si Greggy Nojas, 48 years old. Tatlong beses sa isang linggo siya kung pumalaot.

Kumikita naman siya ng P300 hanggang P500 na pinagkakasiya niya sa mga pangangailangan ng tatlo niyang anak.

Dahil sa pagsisikap ni Greggy, nakabili siya ng sarili niyang bangka at nakapagpatayo pa ng sariling bahay.

Pero nang manalasa ang bagyong Ulysses sa Aurora noong Nobyembre noong nakaraang taon, nawasak ang naipundar niyang bangka at bahay.

"Sa isang idlap lang po, 'yung bahay ko dumiretso lang. Para siyang natunaw na lang bigla. Ang tagal kong pangarap 'yung bahay na 'yun. Wala lahat. Walang natira po sa amin," paggunita ni Greggy.

Sa tala ng Dingalan, Aurora Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, 1,215 ang mga nawasak na bahay at 941 naman ang mga nasirang bangka sa lugar.

Para matulungan sila sa kanilang pagbangon, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng mga bago at dekalidad na yero sa mga apektadong residente bilang bahagi ng Silong Kapuso: Handog Bubong, Handog Pagmamahal.

Kabilang si Greggy sa mga natulungan ng programa. Sa tulong naman ng Philippine Army, natiyak na maayos ang pagkakakabit ng bubong na kanilang bahay.

 

 



Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa Colgate-Palmolive Philippines sa pakikisa nila sa proyekto.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.