151 bahay sa Aurora na nasira ang bubong, napalitan ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng mga bagong yero ang GMA Kapuso Foundation para sa 151 bahay na nasira ang mga bubong sa Dingalan, Aurora.

151 bahay sa Aurora na nasira ang bubong, napalitan ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Dahil sa inyong patuloy na suporta, 151 bahay na nasira ng bagyong Ulysses sa Dingalan, Aurora ang nahatiran ng GMA Kapuso Foundation ng mga bagong bubong.

Kabilang diyan ang pamilya ng 49-year-old na si Maria Jusayan.

Inaalagan ni Maria ang anak niyang ipinanganak na walang mga braso at kamay. Na-stroke rin ang kanyang asawa noong isang taon.

Sa kasamaang palad, nasalanta ng bagyong Ulysses ang kanilang tahanan nang tumama ito sa probinsiya noong nakaraang taon.



"'Yung bahay po namin, natalsikan po ng punong-kahoy. Ang nangyari po, lumipad po 'yung yero saka po nabutas," paggunita niya.

Ganito rin ang sinapit ng tahanan ni Elizabeth Borja.

"Ikatlong araw po, naghukay kami. Kahit po sira, kinuha ko pa rin po kahit po hiwa-hiwalay po talaga," kuwento niya.

 

 


Kabilang sina Maria at Elizabeth sa mga natulungan ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Silong Kapuso Program: Handong Bubong, Handog Pagmamahal.

Sa ilalim ng proyekto, naghatid ng bago at matitibay na yero sa 151 bahay na naapektuhan ng bagyong Ulysses sa Dingalan, Aurora.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation dito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Northern Luzon Command at General Headquarters, Philippine Army 7ID, 703BDE, 91IB, 501EBDE, 522EBN, at Rhineland Realty and Development Corporation.

Bukod dito, nag-turnover din ang GMA Kapuso Foundation ng gamot at rapid test kits sa kanilang rural health unit.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Poten-Cee sugar-coated Vitamins, Jockey, Fehrn Rubia Balacutan, Mr. Khalid Malik, Access Point International Trading Inc., at Creative Baker's Company, Inc. sa proyekto.

Sa mga nais mag-abot ng tulong, bukas ang GMA Kapuso Foundation para sa inyong mga donasyon. Maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.