Mag-iinang nangangalakal ng basura, ipina-dentista ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipina-dentista ng GMA Kapuso Foundation ang mag-iinang nangangalakal ng basura na may problema sa kanilang oral health.

Mag-iinang nangangalakal ng basura, ipina-dentista ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Ayon sa tala ng World Health Organization (WHO), isa ang Pilipinas sa may pinakamaraming taong may bulok o sirang ngipin.

Kabilang dito si Geraldine Escoton at mga anak niyang sina Jerwin at Joji.

Nag-email si Geraldine sa GMA Kapuso Foundation para idulog ang problema nilang mag-iina sa kanilang mga ngipin.

Nangangalakal si Geraldine katulong sina Jerwin at Joji at kumikita ng hanggang P300. Nababawasan pa ito ng P50 na pambayad nila sa inarkilang sidecar.

Ang P250, pinagkakasya nila sa pagkain at iba pang pangangailangan kaya hindi nila prayoridad ang pagbili ng sabon at toothpaste.

"Madalas po naming ginagamit na toothpaste talaga po ay asin kasi priority po naain pagkain eh," pahayag ni Geraldine.

Dahil dito, nagkaroon na sila ng problema sa kanilang mga ngipin.

"Si Jerwin po nag-start masira 'yung ngipin niya noong seven years old po siya," paggunita niya.

"'Yung sa anak ko po (Joji), start ng tubo ng ipin niya sira na po talaga. Lamat lamat na po," dagdag pa nito.

Dahil tinaguriang Oral Health Month ang buwan ng Pebrero, sinamahan ng GMA Kapuso ang tatlo para magpatingin sa dentista.

 

GMA Kapuso Foundation

 


"Si nanay, maraming pa-pasta-han. Ang cause ng amoy ng hininga noong bunso, dahil sa kulang nga 'yung pagtu-toothbrush. Mayroon siyang pamamaga sa gilagid. Kay joji, pudpod ang kanyang ipin," paliwanag ni Dr. James Olayvar, DDM sa kundisyon ng tatlo.

Binigyan din ng GMA Kapuso Foundation sina Geraldine, Jerwin at Joji ng hygiene kits na may lamang toothbrush, toothpaste, at mouthwash. Sinamahan pa ito ng grocery packs, gamot, at vitamins.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa Philippine Association of Private School Dentists, kay Dr. James Olayvar, DDM, sa Oracare Mouthrinse at Pascual Laboratories sa kanilang pakikiisa sa proyekto.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.