GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng hygiene kits at oral health lecture sa Bulacan | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Mahigit 500 magulang ang nakadalo sa oral health lecture at nabigyan ng hygiene kits ng GMA Kapuso Foundation sa Calumpit, Bulacan.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng hygiene kits at oral health lecture sa Bulacan

By MARAH RUIZ

Ayon sa Department of Health National Oral Health Survey noong 2006, 97% ng mga batang anim na taong gulang at 78% ng mga batang 12 taong gulang ang may tooth decay o problema sa ipin.

Kabilang dito ang mga anak ni Angeline Gatchalian.

"Mahilig sa candies tapos nagde-dede nga po sa bote. Ayaw na ayaw niyang nagtu-toothbrush dati. Hindi po namin magawan ng paraan dahil houseboy lang po ang trabaho noong asawa ko po," pahayag niya.

Isa si Angeline sa mga magulang na dumalo sa libreng lecture na isinagawa ng GMA Kapuso Foundation sa Calumpit, Bulacan.

Sa ilalim ng Linis Lusog Kapusong Kabataan program, mahigit 500 magulang ang naimbitahan sa lecture at nabigyan ng ilang tips para sa oral health ng kanilang mga anak.

"'Yun pong mga bata na may sirang ngipin, nagkakaroon po ito ng kumplikasyon sa ating puso. Nagkakaroon po ng rheumatic heart disease," paliwanag ni Dr. Cynthia Valle Reyes, president ng Philippine Association of Private School Dentists.

Hinandugan din ang mga magulang na dumalo ng mga hygiene kits na may lamang toothbrush, toothpaste, shampoo, sabon, lice treatment shampoo, face mask at dental care pamphlets.

 

GMA Kapuso Foundation Linis Lusog Kapuso Kabataan

 

 

Bukod dito, napabunutan din ng GMA Kapuso Foundation ang mga sirang ngipin ng magkakapatid na Gatchalian. Binigyan din sila ng fluoride varnish para maprotektahan ang kanilang mga ngipin.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maaari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.