GMA Kapuso Foundation, naghatid ng bagong bubong para sa 100 bahay sa Guinobatan, Albay | GMANetwork.com - Foundation - Articles

100 bahay na nasalanta ng bagyong Rolly sa Guinobatan, Albay ang nahandugan ng bagong bubong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng bagong bubong para sa 100 bahay sa Guinobatan, Albay

By MARAH RUIZ

Tuloy ang pagtulong ng GMA Kapuso Foundation sa mga nasalanta ng nagdaang bagyo. Ngayong Marso, sa Guinobatan, Albay naman nakarating ang Silong Kapuso Program: Handog Bubong, Handog Pagmamahal.

 

Isa sa mga natulungan dito ay si Ronnel Busquillos, isang construction worker.

Dahil sa hirap ng buhay, sa Maynila muna nakatira ang kanyang asawa at apat na buwang anak. Hindi pa nakakapiling ni Ronnel ang anak simula nang ipinanganak ito kaya lubos siyang nangungulila dito.

Dagdag pa sa dagok sa buhay ni Ronnel ang pagkagiba ng bahay na ipinatayo nilang magkakapatid dahil sa bagyong Rolly.

"'Yung pinakamasakit 'yung wala akong matirhan at saka wala kang permanenteng trabaho. Wala pa pong panggastos sa bubong, mga pangdingding, ganoon," pahayag ni Ronnel.

"Napakalakas po talaga ng bagyo dito sa amin. Tapos kinaumagahan, [nakita] namin 'yung bahay namin, nasira na. Natumba po talaga," paggunita naman ni Robelyn Busquillos, kapatid ni Ronnel.

Mahigit 5,000 bahay ang naapektuhan ng bagyong Rolly sa Guinobatan, Albay kaya naglunsad ang GMA Kapuso Foundation kasama ang mga Army engineers ng Silong Kapuso Program: Handong Bubong, Handog Pagmamahal.

 

GMA Kapuso Foundation in Albay

 

Sa ilalim ng proyekto, 100 bahay sa Guinobatan, Albay ang nabigyan ng bubong at roofing materials.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation dito ang Rhineland Realty and Development Corporation, Jockey, Armed Forces of the Philippines (AFP) Northern Luzon Command at General Headquarters, Philippine Army 9ID at 51st Engineer Brigade.

"Maraming salamat po sa GMA. Dati po, pinapanood ko lang kayo na tumutulong sa iba't ibang lugar. Ngayon po, 'di ko po inaasahan na nakarating na po kayo dito sa aming barangay," pahayag ni Ronnel.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong, bukas ang GMA Kapuso Foundation sa inyong donasyon. Maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.