Bubong na gawa sa pirapirasong kahoy, gulong at supot, ipinaayos ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinaayos ng GMA Kapuso Foundation ang bubong ng isang construction worker na nasalanta ng bagyong Rolly sa Guinobatan, Albay.

Bubong na gawa sa pirapirasong kahoy, gulong at supot, ipinaayos ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Nawasak ang tirahan ng construction worker na si Joel Quijada nang tumama ang bagyong Rolly sa Guinobatan, Albay noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Para may masilungan, ginawa niyang pansamantalang pampatibay ng bubong na gawa sa palapa ng niyog ang mga napulot na piraso ng kahoy, gulong at supot ng lupa.

Isa lang itong halimbawa ng pagpupursigi ni Joel para itaguyod ang limang maliliit na anak.

"[Nagtatrabaho ako sa] construction saka kahit ano diyan, mga palayan. Mababa lang ang sahod, may P400, P350. Pinagkakasya ko lang po," pahayag niya.

Isa si Joel at kanyang pamilya sa mga hinandugan ng bagong bubong at roofing materials sa Silong Kapuso: Handog Bubong, Handog Pagmamahal.

 

 

GMA Kapuso Foundation in Albay

Nagsanib-pwersa dito ang GMA Kapuso Foundation, AFP Northern Luzon Command at General Headquarters, Philippine Army 9ID at 51st Engineer Brigade.

Ang bubong na gawa sa pawid, pinalitan ng matibay na yero. Isa lang ang bahay nina Joel sa 100 na nabigyan ng bagong bubong at roofing materials sa ilalim ng programang ito sa Guinobatan, Albay.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.