GMA Kapuso Foundation, binigyan ng bagong bubong ang ilang magsasaka sa Albay | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng mga bagong bubong ang GMA Kapuso Foundation para sa ilang magsasaka sa Guinobatan, Albay.

GMA Kapuso Foundation, binigyan ng bagong bubong ang ilang magsasaka sa Albay

By MARAH RUIZ

Agarang pagtulong at pangmatagalang soluyon ang layunin ng Silong Kapuso: Handong Bubong, Handog Pagmamahal.

100 bahay na sa Guinobatan, Albay ang natulungan ng programang ito.

 

 

 

GMA Kapuso Foundation in Albay

Isa na dito si Cithleen Polborido na dalawang dekada nang nagtatanim ng sitaw at kamatis.

"'Yung isang libo ko pong kita, binibili ko po ng mga pagkain namin. Bawas pa po 'yun sa pambayad sa tricycle," bahagi ni Cithleen.

Katuwang niya sa paghahanap-buhay ang kanyang mister na construction worker. Pero dahil hindi arawan ang pasok, kapos pa rin ang pangtustos nila para sa tatlong anak.

Wala rin silang naitatabing pera pampaayos ng nasirang bahay na naapektuhan ng bagyong Rolly noong Nobyembre 2020.

Ganito rin ang sinapit ng bahay ni Nelo Banzuela. Nadagdagan pa ang dagok sa kanyang buhay nang pumanaw ang kanyang misis noong nakaraang Disyembre dahil sa atake sa puso.

Pagsasaka rin ang ikinabubuhay ni Nelo at dito siya humuhugot ng pangkain at pang gatas ng apat na anak.

"Sisikapin ko po na ang mga bata, palakihin ko 'yan. Para paglaki nila, [madala ko] sila sa magandang buhay," lahad ni Nelo.

Para matulungan si Cithleen, Nelo at iba pang mga katulad nila, nagsanib-pwersa ang GMA Kapuso Foundation, AFP Northern Luzon Command at General Headquarters, Philippine Army 9ID at 51st Engineer Brigade para sa "Silong Kapuso: Handog Bubong, Handog Pagmamahal."

Hinatiran sila ng matitibay na yero at roofing materials at tinulungan din ikabit ang mga ito.

Sa kabuuan, 100 bahay sa Guinobatan Albay na ang nabigyan ng mga bagong bubong--23 pamilya sa Bgy. Inascan, 23 pamilya sa Bgy. Masarawag, 17 pamilya sa Bgy. Malobago, 12 pamilya sa Bgy. Tandadora, 13 pamilya sa Bgy. Malipo at 3 pamilya sa Bgy. Banaw.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.