Mga kababaihang magsasaka, kabilang sa bibigyan ng libreng pap smear ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nasa 330 kababaihan ang bibigyan ng libreng pap smear ng GMA Kapuso Foundation, kabilang ang 45 babaeng magsasaka.

Mga kababaihang magsasaka, kabilang sa bibigyan ng libreng pap smear ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Ayon sa tala ng Department of Health, ang cervical cancer ang second most common type ng cancer sa mga kababaihan sa Pilipinas.

Umaabot sa 7,277 mga kaso ang nade-detect habang 3,807 ang maaaring mamatay kung hindi ito maaagapan.

"'Yung cervical cancer, isa sa mga preventable na cancer kaya siguro kung mai-inform natin sila kung gaano kahalaga [ang pap smear] malaking tulong po 'yun," paliwanag ni Dr. Alyssa Janelle Tabajonda, general practitioner ng Med 101 Diagnostic Center.

Kaya naman sakto sa pagdiriwang ng International Women's Day, magbibigay ang GMA Kapuso Foundation ng libreng pap smear at hygiene kits para sa 330 kababaihan.

Kabilang dito ang 45 babaeng magsasaka ng New Greenland Farm sa Bagong Silangan, Quezon City.

Nagbukas ang sampung ektaryang farm na ito noong nakaraang Pebrero. May mga tanim ditong pechay, mustasa at Chinese kangkong na naibebenta ng PhP 50 kada kilo, at spinach na PhP 60 naman kada kilo.

Kasalukuyan itong nakakatulong sa 140 magsasaka na karamihan ay babae.

 

GMA Kapuso Foundation

 

"Minsan kapag wala akong pera, hindi ako makapagpa-pap smear. Mayroon po talaga akong mayomang maliliit daw po kaya gusto kong magpa-pap smear," pahayag ni Elsa Branila, isang masasaka ng New Greenland Farm.

Lubos na nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Mang Inasal, Oishi, GMA Sales and Marketing Group, Heart Evangelista, Doctors of Med 101, Pateros Municipal Health Office, DSWD of Malabon, Brgy. Bagong Silangan (Quezon City), Brgy. Baseco (Manila), at Department of Agrarian Reform-NCR sa proyekto.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.