GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Auring sa Surigao del Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

8,000 taong nasalanta ng bagyong Auring sa Surigao del Sur ang hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Auring sa Surigao del Sur

By MARAH RUIZ

Nanalasa ang bagyong Auring sa Surigao del Sur noong nakaraang Pebrero.

Doble hirap ito para sa ilang residente doon na hindi pa rin nakakabangon mula sa pandemya.
 

 

 

Isa na rito ang 67 years old na si Floreta Cacho na mula sa bayan ng San Agustin sa Surigao del Sur.

Ang kanyang bahay na pag-aari niya sa loob ng 40 taon, nasira ng bagyo. Nasira din ang mga gamit na tanging alaala niya sa yumaong asawa.

"Masakit na masakit. Ang lahat ng pinundar naming mag-asawa, dinala lahat ng malakas na tubig," pahayag ni Floreta.

Hindi biniyayaan ng mga anak sina Floreta at kanyang asawa na pumanaw noong 2016.

Lumilibot si Floreta sa kanilang barangay para magmasahe at kumikita ng P20 hanggang P100 kada araw bilang panggastos.

"Dinadalangin ko sana bigyan pa ako ng malakas na pangangatawan," aniya.

Buti na lang at may nagmagandang loob at kumupkop kay Floreta kahit hindi niya kaano ano.

"Tinuturing na rin namin na aming ina kasi siya lang ang nandiyan sa lahat ng panahon," bahagi ni Virginia Crisostomo na kumupkop kay dito.

Kabilang si Floreta sa mga 1,000 tao sa bayan ng San Agustin at Marahita na hinatiran ng relief packs na may lamang bigas, nooldes at de lata ng GMA Kapuso Foundation.

Katuwang sa proyekto ang Philippine Coast Guard at Philippine Army 3rd and 7th Special Forces Battalion.

Sa kabuuan, 8,000 tao mula sa Surigao del Sur ang nabigyan ng tulong.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.