GMA Kapuso Foundation naghatid ng relief packs sa mga nasalanta ng Bagyong Auring | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng relief packs ang GMA Kapuso Foundation para sa halos 3,000 residenteng nasalanta ng bagyong Auring sa Surigao del Sur.

GMA Kapuso Foundation naghatid ng relief packs sa mga nasalanta ng Bagyong Auring

By MARAH RUIZ

Noong nakaraang Pebrero tumama ang bagyong Auring sa Mindanao ang nagdulot ng matinding pinsala sa ilang lugar doon.

Sa Surigao del Sur, pansamantalang nanatili sa isang covered court ang ilang residente matapos masira ang kanilang mga bahay.

Ayon sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, 1,648 indibiwal ang inilikas sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur.

Matapos ang tatlong linggo, halos lahat dito ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan maliban sa dalawang pamilya.

Isa na rito ang pamilya ng 42 taong gulang na si Ronald Menguita.

 

 

 


Dahil sa flash flood, inanod ang bahay na siya mismo ang nagtayo. Ang tanging naisalba lang niya ay isang bag ng damit ng kanyang mga anak at itak na ginagamit niya sa pagko-kopra.

"Habang lumalakas ang agos ng tubig, inilikas ko ang aking pamilya. Binalikan ko ang aming bahay ngunit wala na," pahayag ni Ronald.

Sa isang sulok ng barangay covered court muna sila namamalagi.

May plano na ang kanilang local government unit na ilipat ang mga bahay ng mga residente sa lugar na hindi babahain.

Para matulungan si Ronald at iba pang katulad niya, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng relief packs na may lamang bigas, noodles at de lata para sa 2,688 residente sa bayan ng Lianga at Cagwait sa Surigao del Sur.

Katuwang sa proyekto ang Philippine Coast Guard at Philippine Army 3rd and 7th Special Forces Battalion.

"Nagapapasalamat ako nang buong puso sa GMA Kapuso Foundation sa lahat ng natanggap kong tulong," ani Ronald.

Sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.