GMA Kapuso Foundation, may libreng pap smear at breast examination ngayong Int'l Women's Month | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Para ipagdiwang ang International Women's Month, may libreng pap smear at breast examination ang GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, may libreng pap smear at breast examination ngayong Int'l Women's Month

By MARAH RUIZ

Sa pagpapatuloy ng paggunit ng International Women's Month ngayong Marso, hatid ng GMA Kapuso Foundation ang libreng pap smear at breast examination para sa mga kababaihan.

Ayon sa tala ng Global Cancer Society, 27,163 kaso ng breast cancer at 7,897 kaso ng cervical cancer ang naitala sa mga Pinay noong 2020.

Kaya naman mahalaga ang pap smear at breast examination para maagang ma-detect ang karamdamang ito.

Isa sa mga sumailalim sa libreng pap smear at breast examination ang tatlong kahanga-hangang kababaihan.

Isa na dito si Mylene Matugas na miyembro ng Pandeladies na nagtitinda ng tinapay sa Malabon.

Hindi lang sila ang nakikinabang sa trabahong ito dahil mayroon pa silang ibang natutulungan sa paglalako nila ng tinapay.

"'Yung tinapay po na binebenta namin, gawa po ng mga BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) ng Malabon. Kami 'yung naging instrumento nila para ibenta po sa labas [ang gawa nilang tinapay]," paliwanag ni Mylene.

Pagbabalat naman ng bawang ang bumubuhay sa 10 anak ni Leonora Brioner, mula sa Baseco, Manila.

"Ito'y nakaka [tulong] rin sa pang gastusin namin. Minsan po kasi itong bawang, mainit sa kamay, nakakapaso," paliwanag niya tungkol sa kanyang trabaho.

Leader naman ng Ronda ng Kababaihan ng Pateros si Jenny Helo.

"[Ginagawa namin ito] para po makatulong kami sa peace and order. Pagka babae, talagang nakikinig sila sa amin," kuwento ni Jenny.

 

GMA Kapuso Foundation

 

 

Sa kabuuan, 146 na mga babae ang sumailalim sa libreng pap smear at breast examination. 330 naman ang nabigyan ng hygiene kits at face masks.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakiisa ng Pateros Municipal Health Office, DSWD of Malabon, Brgy. Bagong Silangan (Quezon City), Brgy. Baseco (Manila), at Department of Agrarian Reform-NCR sa proyekto.

 

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.