GMA Kapuso Foundation, nagdaos ng blood-letting kasama ang Philippine Army | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Idinaos ng GMA Kapuso Foundation ang Sagip Dugtong Buhay Blood-Letting Project katuwang ang Philippine Army.

GMA Kapuso Foundation, nagdaos ng blood-letting kasama ang Philippine Army

By MARAH RUIZ

Nagsanib-puwersa ang GMA Kapuso Foundation at ang Philippine Army para maidaos ang Sagip Dugtong Buhay Blood-Letting Project.

Pinili ng GMA Kapuso Foundation na magpunta sa mga kampo ng Philippine Army dahil sa ngayon ay bawal muna ang public blood donation.

Mahigit 80 sundalo mula sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at Pili, Camarines Sur ang nakapagbigay ng dugo para sa proyekto.

 

GMA Kapuso Foundation with Philippine Army

 

Isa na dito si Ssg. Lorman Alba, 7CMO BN 7ID, PA, Squad Leader Civil Affairs. 20 years na siya sa serbisyo at marami na rin siyang natulungan dahil regular siya kung mag-donate ng dugo.

"Masaya sa pakiramdam. Lahat po ito ay nakagawian ko na dahil taos sa puso ko na tumulong talaga," pahayag niya.

Ganito rin si Col. Alfredo Sanchez, Assistant Division Commander for RRA. Kolehiyo pa lang siya nang magsimulang mag-donate ng dugo at nadala na niya ito hanggang sa maging isang ganap na sundalo na siya.

"It felt good. It went on. Pagdating ko sa service, nadagdagan 'yung motivation, hindi lang 'yung makasagip ng buhay, isa pa is lead by example," aniya.

Lubos ang pasasalamat ng GMA Kapuso Foundation sa pakiiisa ng Philippine Red Cross Camarines Sur, Philippine Army 9ID and 7ID at Mang Inasal sa proyekto.

Sa mga nais ding mag-donate ng dugo, makipag-ugnayan lang sa Philippine Red Cross.

"We still need to maintain 'yung supply po ng dugo. Nagkukulang po lalo na po ngayong panahon ng pandemya," paliwanang ni Gerald Angelo Valeriano, medical officer ng Philippine Red Cross.

"Maya't maya ang pasasalamat ng Red Cross na hindi nakakalimutan ng GMA itong ganitong napakahalagang programa," pahayag naman ni Tony Macatangcay, medical technician ng Philippine Red Cross.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.