GMA Kapuso Foundation, naghatid ng vitamins, gamot, at test kits sa Laguna | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghandog ng vitamins, gamot, at COVID-19 test kits ang GMA Kapuso Foundation sa ilang pampublikong ospital a Laguna.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng vitamins, gamot, at test kits sa Laguna

By MARAH RUIZ

Sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, tuloy ang sakripisyo ng mga magigiting na frontliners kaya muling naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng supplies para sa kanila.

Anim na taon nang nagtatrabaho sa General J. Cailles Memorial District Hospital sa Paquil, Laguna bilang utility staff ang 48-year old na si Orly Villaflor.

Noong nakaraaang Enero, nagpositibo siya sa COVID-19.

 

GMA Kapuso Foundation

 

 

"Sumama po 'yung aking pong pakiramdam. Bigla po akong gininaw. Kinaumagahan, masakit na 'yung lalamunan ko," paggunita niya.

Sa parehong ospital din nagtatrabaho bilang isang nursing attendant ang asawa ni Orly. Nahawa sa COVID-19 ang kanyang misis at bunsong anak. Buti na lang, lahat ay gumaling mula sa sakit.

"Noong nangyari po 'yun, hindi po ako masyadong kinabahan. Alam ko na hindi pababayaan ng Lord 'yung kalalagyan ko," ani Orly.

Para matulungan ang mga frontliners tulad nila, muling naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng vitamins, gamot, at antibody rapid test kits para sa mga pampublikong ospital sa Laguna.

Kabilang dito ang Pagsanjan Rural Health Unit, Paete General Hospital, at General J. Cailles Memorial District Hospital.

Namahagi rin ng 640 piraso ng antibody rapid test kits at 20,508 piraso ng vitamins at gamot.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Creative Baker's Company Inc. at Rhea Generics sa proyekto.

 

Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.