GMA Kapuso Foundation, nakalikom ng 187 blood bags sa bloodletting project | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Idinaos ng GMA Kapuso Foundation ng Sagip-Dugtong Buhay Bloodletting Project katuwang ang Philippine Navy at Philippine Red Cross.  

GMA Kapuso Foundation, nakalikom ng 187 blood bags sa bloodletting project

By MARAH RUIZ

Sa pagtaas kaso ng COVID-19, bumababa naman ang supply ng dugo sa mga blood banks.

Ayon sa Philippine Red Cross, kulang ang supply ng dugo pero hindi nababawasan ang demand para sa blood transfusions.

"Madami pa rin pong naooperahan, nanganganak, naaaksidente o 'yun pong may mga sakit sa dugo na nangangailangan," paliwanag ni Gerald Angelo Valeriano, medical officer ng Philippine Red Cross.

Sa tala ng Department of Health (DOH), bumaba ng halos 25% ang blood unit collection sa Pilipinas. Mula 1,384,662 units sa 2019, umabot lang ito ng 1,041,037 units sa 2020.

Bilang tugon, ipagpapatuloy ng GMA Kapuso Foundation ang Sagip-Dugtong Buhay Bloodletting project kung saan nakalikom ng 187 blood bags katuwang ang Philippine Red Cross, Philippine Navy active personnel, Philippine Navy Reservists, at Philippine Navy dependents.

Isa sa mga nag-donate ang 23-year-old na si Ma. Christine Marzan na pangatlong beses nang nag-donate ng dugo kasama ang kanyang nanay at kapatid.

"Para po makatulong, lalo na po ngayong pandemic. Willing lang po talaga kaming mag-donate ng dugo," pahayag ni Christine.

Ang kanyang inang si Catherine, nag-celebrate kamakailan ng kanyang 55th birthday at nais na maghandog ng regalo sa kapwa.

"Imbis po na mag-celebrate ng birthday, mag-blood letting na lang po," paliwanag niya.

Nakiisa din si kapuso actor and navy reservist Rocco Nacino.

 

 


"Proud ako na makasama dito. Iba ang nagagawa ng Kapuso Foundation sa buhay ng mga tao," pahayag ng aktor.

Simultaneous ang ginawang Sagip-Dugtong Buhay Bloodletting project sa Davao City at Legaspi City sa Albay.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Del Monte Philippines sa proyekto.

Sa mga nais mag-donate ng dugo, makipag-ugnayan sa Philippine Red Cross sa mga numerong 0917-834-8276 at (02) 8790-2300.

"Kapag nabakunahan po tayo, at least 28 days after ng huling bakuna saka po ulit tayo pwdeng mag-resume ng donation," paalaa ni Gerald Angelo Valeriano, medical officer ng Philippine Red Cross.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.