GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang batang nakatiklop ang mga tenga | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Lumapit sa GMA Kapuso Foundation ang mga magulang ng isang batang may mga tengang nakatiklop.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang batang nakatiklop ang mga tenga

By MARAH RUIZ

Malaki ang papel ng pandinig sa development ng isang bata at sa pagkilos niya sa mundong ginagalawan.

Pandinig ng kanilang anak mismo ang inaalala ng mag-asawang Larry at Ronielyn Francisco.

Tila nakatiklop kasi ang parehong tenga ng kanilang anak na si Harvey na mahigit isang taong gulang na ngayon.

"Baka 'pag 'di siya nakarinig, hindi rin siya magsasalita. Paano kami makikipagkomunikasyon sa kanya?" pahayag ni Ronielyn.

 

Payo sa kanila ng kanilang doktor na mas mainam kung maingay ang kanilang paligid para makarinig ng iba't ibang tunog si Harvey.

Lumipat pa silang pamilya sa isang bahay na malapit sa kalsada para dito.

Tulad ng marami, naapektuhan din ng pandemic ang kabuhayan nina Larry at Ronielyn. Ang kanilang ipon ay hindi sapat para ipa-opera ang anak.

Dahil dito, inilapit ng mag-asawa ang sitwasyon ni Harvey sa GMA Kapuso Foundation.

Agad naman tumugon ang GMA Kapuso Foundation at ipinasuri ang bata sa isang espesyalista.

 

 

Napag-alamang may kundisyon si Harvey na tinatawag na bilateral microtia.

"Hindi masyadong fully-developed 'yung kanyang outer ear. Maaaring mayroon tayong aesthetic deformity at the same time, puwede tayong nagkakaroon ng hearing loss," paliwanag ni Dr. Gil Vicente, ENT specialist sa St. Luke's Medical Center.

Magandang senyales na nagre-respond si Harvey tuwing may kumakasap sa kanya o kaya naman ay nakakarinig ng mga tunog.

"Dapat malaman talaga natin kung totoo ba na mayroon siyang magandang hearing," dagdag naman ni Dr. Vicente.

Kaya naman nananwagan ang GMA Kapuso Foundation ng tulong para sa patuloy na pagpapasuri at posibleng mga operasyon ni Harvey.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa kanya at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari rin magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.