Mga mangingisda sa Cavite, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

1,200 indibidwal na apektado ang masamang panahon sa Tanza, Cavite, kabilang ang mga mangingisda, ang binigyan ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.  

Mga mangingisda sa Cavite, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Dahil sa bagyong Fabian, nahinto ang hanap-buhay, nasira ang bahay at ari-arian ng ilang mga residente sa Tanza, Cavite.

Ang mga mangingisda dito, ilang araw nang tigil sa pagtatrabaho.

"Dito po sa barangay po namin, ang karaniwang pong hanap-buhay dito ay pangingisda. Mayroon na po silang limang araw na hindi nakakapag hanap-buhay dahil sa laki po ng alon at dagsa ng ulan," paliwang ni Roderick C. Abad, barangay captain ng Amaya, sa Tanza, Cavite.

Isa sa mga apektado si Roger Pangili na 30 taon nang mangingisda. Dati ay kumikita siya ng P500 kada araw pero wala siyang maiuwi ngayon dahil hindi nakakapangisda.

 

Roger Pangilinan

 


"Limang araw na pong hindi nakakalaot. Walang mapagkukunan ng makakain. Nag-aantay lang kami sa bigay bigay," pahayag ni Roger.

Sinira din ng malalakas na alon ang kanyang bangka at maging ang bahay niyang 16 taon nang nakatayo.

Pansamantala silang nakikituloy ngayon sa isa sa mga anak ni Roger.

Kahit masama ang panahon, agad tumungo ang GMA Kapuso Foundation, katuwang ang AFP Civil Relations Service, para maghatid ng tulong sa tatlong barangay sa Tanza, Cavite.

1,200 indibidwal ang ang nahatiran ng Kapuso grocery packs, tubig, ready-to-cook lugaw kits, face masks at face shields.

Nagdala rin ang GMA Kapuso Foundation sa kanila ng mga kumot, banig at kulambo sa tulong ng St. Theresa's College Quezon City Alumnae Association.

Sa mga nais magpaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo at maging sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.