GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Zambales, Marikina at Rizal | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Mahigit 7,000 taong naapektuhan ng masamang panahon ang hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Zambales, Marikina at Rizal

By MARAH RUIZ

Matindi at ilang araw na pag-ulan na dala ng hanging habagat sa bansa nitong mga nakaraang araw.

Apektado nito ang kabuhayan pati na tirahan ng ilang mga residente. Kabilang dito ang mag-asawang Julius at Juvy Dioso na taga San Narciso, Zambales.

Nalubog kasi ng baha at lahar ang bahay na pinaghirapan nilang ipundar.

"Pinagipunan po nang matagal. Masakit sa [loob] na aalis diyan. Wala naman kaming magawa," pahayag ni Juvy.

Bumalik naman ang pangamba ni Analyn Bagalay na taga Malanday, Marikina. Hindi kasi naging maganda ang kanyang karanasan noong nakaraang mga bagyo tulad ng Ondoy at Ulysses.

 

 

GMA Kapuso Foundation

"Nagkaroon na po ako ng phobia. Tumalon po ako sa second floor. Hindi na po ako nagdawalang-isip na lumikas nang maaga," kuwento ni Analyn.

Kabilang sila at kanilang mga pamilya sa natulungan ng Operation Bayanihan ng GMA Kapuso Foundation.

2,400 indibidwal sa Narciso, Zambales; 2,898 sa Malanday, Marikina; at 1,896 sa Rodriguez, Rizal ang hinatiran ng tulong.

Sa kabuuan, 7,194 ang nabigyan ng Kapuso grocery pack, inuming tubig, lugaw kits, food supplements, kumot, face masks, at face shields.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa operasyon ang JTF NCR Marine Amphibious Unit, barangay officers ng Malanday, Markina, 80th Infantry Battalion 2nd ID at AFP Civil Relations Service sa Rizal at AFP CSR NOLCOM 33rd Mechanized Infantry Company, 3rd Mechanized Infantry Battalion Armor Division, Philippine Army at San Narciso Municipal Police sa Zambales.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakiisa ng Department of Heatlh para sa face masks at face shields, St. Theresa's College Quezon City Alumnae Association para sa mga kumot, at Shemica Inc. para sa Reeva Instant Noodles.

Sa mga nais magpaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo at maging sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.