GMA Kapuso Foundation, muling naghahatid ng protective supplies sa mga pampublikong ospital | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagpapatuloy sa pamamahagi ng protective supplies ang GMA Kapuso Foundation sa mga pampublikong ospital sa Metro Manila.

GMA Kapuso Foundation, muling naghahatid ng protective supplies sa mga pampublikong ospital

By MARAH RUIZ

Muling naghatid ng mga protective supplies ang GMA Kapuso Foundation para sa mga pampublikong ospital sa Metro Manila.

Dito nakilala si Jenny Flores, na anim na taon nang midwife.

 

 


"Na-remember ko po, nagpapaanak kami, may kasamang pag-iyak kasi po first time na magkakaroon ng COVID na pasyenteng manganganak," paggunita ni Jenny.

Humarap siya sa pagsubok nang tamaan ng COVID-19 ang kanyang ina at dalawang anak.

"Basta frontliner, gusto mong makatulong sa ibang tao, magbigay ng serbisyo. Pero iba po pala 'yung feeling 'pag sa family mo na po," naluluhang kuwento ni Jenny.

Hinala niya, na-expose siya sa isang kaanak at nahawahan niya ang pamilya.

"Panganay ko 10 years old. 'Yung bunso ko po is four years old so natatakot po ako," aniya.

Gayunpaman, tuloy pa rin sa pagserserbisyo si Jenny.

"Kahit nahihirapan ka, isipin mo lang na kakayanin mo," pahayag niya.

Kasama si Jenny sa mga frontliners na makikinabang sa libo-libong protective supplies na ipinamahagi ng GMA Kapuso Foundation sa mga pampublikong ospital sa Metro Manila.

Kabilang dito ang Rizal Medical Center, Pasay City General Hospital, Taguig Pateros District Hospital, Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center, Ospital ng Parañaque District II, Ospital ng Muntinlupa, Research Institute for Tropical Medicine.

1,400 piraso ng PPE hazmat suits, 1,400 bote ng sanitizer/alcohol, 1,400 pirasong face shields, 7,000 pirasong KN95 masks 7,000 pares ng gloves.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Department of Health at AFP-JTF NCR sa proyekto.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.