GMA Kapuso Foundation, naghatid ng ayuda sa Navotas | GMANetwork.com - Foundation - Articles

1,396 tao sa Navotas na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pandemya ang hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng ayuda sa Navotas

By MARAH RUIZ

Tumamlay ang bentahan ng isda sa Navotas City na itinuturing na Fishing Capital of the Philippines.

Isa sa mga apektado ang kabuhayan ni 28-year-old Jerry Prades na taga barangay Bangkulasi, Navotas City.

 

GMA Kapuso Foundation


 

"Fish porter po kami. Umaangkat po kami ng isda. Pinipiliian po namin 'yun para ibukod-bukod saka po ibenta ng banye-banyera," paliwanag ni Jerry sa kanyang trabaho.

"Minsan hindi maka biyahe dahil sa pandemic. Napakahirap po ng buhay ngayon. Kailangan po natin kasing sumunod eh. Wala po tayong magawa," dagdag pa niya.

Naghanap si Jerry ng iba't ibang diskarte para may ibang mapagkakitaan.

"Naglulugaw po kami. Tapos tinda po sa online, 'yung mga frozen meat. Nagdi-deliver po. Pilit kong pinagkakasaya," ani Jerry.

Nagsagawa naman ng swab testing ang kanilang local government unit (LGU) at lumabas na 20 sa kanilang barangay ang nag-postibo sa COVID-19.

Tulad ni Jerry, marami rin ang nawalan ng hanap-buhay ngayong lockdown.

Bilang tulong, namahagi ang GMA Kapuso Foundation ng Kapuso grocery packs na may lamang bigas, ready-to-eat na pagkain, food supplements, at laundry essentials para sa 1,396 idibidwal sa barangay.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakiiisa ng AFP-JFT NCR, Procter & Gamble, at Aboitiz Foundation, Inc. sa Operation Bayanihan.

Samantala, sa mga nais magpaabot ng tulong sa pamamagitan ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at GCash.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.