GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga mag-aaral sa Lanao del Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nasa 2,735 na mag-aaral sa Marantao, Lanao del Sur ang nabigyan ng mga school supplies ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga mag-aaral sa Lanao del Sur

By MARAH RUIZ

Sa muling pagbubukas ng klase, namahagi ang GMA Kapuso Foundation ng school supplies sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralan sa Marantao, Lanao del Sur.

Sa ngayon, blended learning o virtual at modular class ang sistema ng pag-aaral ng mga bata dito.

Batid ng inang si Johaira Buleg Garangan ang hirap ng kanyang anak na si Norshayma Salor sa pag-aaral ngayon.

"Nagpupursigi talaga siya na pumunta sa school para po kumuha ng module. Pagkatapos, siya din po 'yung pumupunta sa teacher niya para i-pass 'yung module niya," kuwento ni Johaira.

Sa murang edad, batid na ni Norshayma ang halaga ng edukasyon. Sa katunayan, consistent honor student siya.

"Ang pangarap ko ay [maging] doktor para makatulong sa maysakit," pahayag niya.

Mahalaga din daw para kay Aisah Angindarat ang school supplies. Kapos siya sa buhay kaya hindi niya naibibigay ang lahat ng kailangan ng tatlong anak na nagsisimula pa lang mag-aral.

"Mahalaga po ito dahil ito 'yung paraan para sila ay makapag-aral nang mabuti. Ito 'yung hakbang para sila ay makapagsimula sa pag-aaral," aniya.

Bilang bahagi ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project, namahagi ang GMA Kapuso Foundation ng kumpletong school supplies na may kasamang hygiene kit at face mask para sa 2,735 mag-aaral sa Marantao, Lanao del Sur.

 

Unang Hakbang sa Kinabukasan

 

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa operasyon ang Philippine Army, JTF-NCR, 5th Infantry Batallion, Solid Shipping Lines Corporation, at Jollibee Group.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, at Globe Rewards.

Maaari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.