Mga pampublikong ospital sa Pampanga, hinatiran ng protective supplies ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng protective supplies ang GMA Kapuso Foundation sa apat na pambulikong ospital sa Pampanga.

Mga pampublikong ospital sa Pampanga, hinatiran ng protective supplies ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Bagong panganak si Jane Amansec, 31 years old, mula sa Angeles, Pampanga nang makaramdam siya ng sinat.

Hindi niya ininda ang nararamdaman sa pag-aakalang dala lang ito ng pagkakaroon niya ng breastmilk. Lumala ang kanyang kundisyon at pati mister niya, nakaramdam din ng sintomas.

 

Nahirapan silang huminga, naduduwal sa kinakain, tumaas ang presyon, at hirap makatayo. Nagpositibo silang mag-asawa sa COVID-19.

"Dahil wala pong bakanteng kuwarto, nasa tent lang po kaming mag-asawa. Tapos isa lang po 'yung bakanteng higaan," kuwento ni Jane.

 

 

Buti na lang, may isang donor na nagmagandang loob at nag-donate sa GMA Kapuso Foundation ng gamot na Remdesivir.

Labis ang pasasalamat ni Jane dahil isa sila sa mga nakatanggap ng gamot.

"Remdesivir is one of the antiviral drugs being utilized in this fight againt COVID," paliwanag ni Dr. Froilan Canlas, chief of hospital sa Ospital ng Angeles.

Bukod sa gamot, naghatid din ang GMA Kapuso Foundation ng protective supplies sa apat na pamublikong ospital sa Pampanga.

Kabilang dito ang Jose B. Lingad General Hospital, Ospital ng Angeles, Diosdado Macapagal Memorial Hospital, at Mabalacat District Hospital.

Sa kabuuan, 4,000 pares ng rubber gloves, 800 piraso ng PPE hazmat suit, 800 piraso ng face shield, 800 bote ng 500 ml alcohol, 4,000 piraso ng KN95 mask ang natanggap ng bawat ospital.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa patuloy na pakikiisa sa Operation Bayanihan ng Detoxicare Molecular Diagnostics Laboratory, Philippine Army 7th Infantry Division, 70th Infantry Battalion, at 3rd Mechanized Battalion.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, at Globe Rewards.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.