October 21 2021
Unti-unting pinupuno ni Arma Anievas ang garapong ginawa niyang alkansiya.
"'Yung iniipon ko, nilalaan ko talaga 'yan sa pag-aaral ng dalawa pong anak ko. 'Yung hindi ko naranasan, sila na lang ang makapagtapos ng pag-aaral," pahayag ni Arma.
Mag-isa niyang tinataguyod ang dalawang anak kaya naman pinagsasabay-sabay niya ang pagtitinda, paglalako ng pandesal, pagtatabas ng damo, at marami pang iba para may pangtustos sa pamilya.
Napapawi at napapalitan naman ng saya ang hirap at sakripsyo niya bilang solo parent dahil sa kanyang mga anak.
"Nagsisikap kasi sila sa pag-aaral. Palagi silang may mga award na nakukuha. Parang kayamanan ko na rin," bahagi ni Arma.
Ang isa sa kanyang mga anak, nangangarap maging doktor kaya gagawin ni Arma ang lahat para maabot ito.
"'Yung mga anak ko ang inspirasyon ko. Makapagtapos sila ng pag-aaral, mahalaga ang edukasyon kasi hindi 'yan maaagaw ng ibang tao," aniya.
Kabilang ang mga anak ni Arma sa mahigit 1,000 mag-aaral sa Motiong, Samara na hinatiran ng kumpletong gamit pang eksuwela, hygiene kits, at face masks sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project ng GMA Kapuso Foundation.
Katuwang pa rin ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Philippine Army 8th Infantry Division, 87th Infantry Battalion, Kabalikat CiviCom-Jiabong Chapter, Colgate Palmolive Philippines, at Meridian Shipping and Container Carrier, Inc.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa Unang Hakbang sa Kinabukasan at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, at Globe Rewards.
Maaari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus