GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng school supplies at regalo sa mga mag-aaral sa Lanao del Norte | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng kumpletong school supplies at maagang pamasko ang GMA Kapuso Foundation para sa mga mag-aaral sa Linamon, Lanao del Norte.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng school supplies at regalo sa mga mag-aaral sa Lanao del Norte

By MARAH RUIZ

Muli nang nagbukas ang ilang eskuwelahan pagkatapos ng halos dalawang taon ng modular education at online learning.

 

Kabilang dito ang Napo Elementary School sa Linamon, Lanao del Norte na pinayagang makasama sa pilot run ng limited face-to-face classes matapos makapasa sa pamantayan ng Department of Education.

Bago makapasok sa paaralan ang mga estudyante, kailangan nilang magpa-temperature check at mag-alcohol ng kamay sa gate pa lang.

"Mayroon tayong ifa-follow or susundin na health protocols diyan sa labas pa lang, pati sa pagpasok ng silid aralan," pahayag ni Gloria Canete, master teacher sa paaralan.

"Masaya po [ako] kasi nandito kami sa school," bahagi naman ng mag-aaral na si Khie Yannie R. Traya.

Nagbago na rin ang set up sa loob mismo ng mga classrooms. Hindi na magkakatabi ang mga mag-aaral at may mga harang ang bawat desk at upuan.

"Kinder, Grade 1, Grade 2, at saka Grade 3 ang siyang papasok, so hinati sa dalawa. Mayroon Set A at saka Set B. 'Yung Set A ang siyang papasok buong linggo, samantalang 'yung Set B ay magkaroon ng distance learning. The following week, 'yung Set B naman ang papasok sa school," paliwanag ni Angelito Barazona, education program supervisor ng paaralan.

Bilang suporta sa pagbabalik eskuwela ng mga estudyante, agad silang pinuntahan ng GMA Kapuso Foundation para mamahagi ng kumpletong gamit pang eskuwela at maagang pamasko.

 

 

Sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project, namahagi ang GMA Kapuso Foundation ng kumpleting school supplies, hygiene kits, at face masks sa Napo Elementary School sa Linamon, Lanao del Norte.

Bukod dito, nabigyan din ang mga mag-aaral ng laruan at Noche Buena package sa ilim naman ng Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy project.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Joint Task Force NCR, 2nd Mechanized Brigade, 4th and 5th Mechanized Infantry Battalion, at DepEd-Division of Lanao del Norte.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa Unang Hakbang sa Kinabukasan at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, at Globe Rewards.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.