GMA Kapuso Foundation, namahagi ng relief goods sa mismong araw ng Pasko sa Burgos City, Siargao Island | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Namahagi ng relief goods para sa mahigit 2,500 indibidwal sa Burgos City, Siargao Island ang GMA Kapuso Foundation noong mismong araw ng Pasko.

GMA Kapuso Foundation, namahagi ng relief goods sa mismong araw ng Pasko sa Burgos City, Siargao Island

By MARAH RUIZ

Nanaig ang bayanihan sa komunidad ng Brgy. San Mateo, Burgos City, Siargao Island.

Matapos ang pinagdaan ng mga residente noong bagyong Odette, sama-sama silang nagdiwang ng Pasko kahit sa gitna ng kalsada.

Pinagsaluhan ng buong barangay ang tuyo at pinakatay na baboy ng kanilang kapitan.

Kabilang dito ang pamilya ni Jeanne Enoya na nasira ang bahay noong kasagsagan ng bagyong Odette.

"Sa sobrang lakas talaga ng hangin, naku 'yung mga pader giniba na. 'Yung mga yero lumilipad na," paggunita ni Jeanne.

Nagpapasalamat naman siya na ligtas ang kaniyang pamilya.

"Wala po talaga kaming pambili ng mga pang spaghetti kasi wala po talaga kaming pera. Sama-sama lang po kami, masaya na po kami," lahad ni Jeanne.

 

Operation Bayanihan

 

Noong mismong araw ng Pasko, namahagi ng relief goods ang GMA Kapuso Foundation sa mahigit 2,500 indibidwal sa apat na barangay sa Burgos City, Siargao Island sa ilalim ng Operation Bayanihan.

"'Yung handa po namin ngayong Pasko is 'yung binigay po ng GMA Kapuso Foundation. Thank you po talaga sa GMA. Salamat po," mensahe ni Jeanne.

"Sa ngayon, mayroon po nag-aabot ng pagkain sa GMA Kapuso Foundation. Salamat sa tulong niyo," pasasalamat naman ni Ariel Novalisa, barangay captain ng Brgy. San Mateo.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa patuloy na pakikiisa ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Air Force, Philippine Coastguard, 4th Infantry Division, 402nd Infantry Brigade, 901st Infantry Brigade, 15th RCDG, ARESCOM, 205th Tactical Helicopter Wing Black hawk, 42nd Civil Military Office Company, Maunlad Rice Mill Corporation, at The Ruby Pantry sa Operation Bayanihan.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.

Puwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.