Pinuri ng Islamic State ang mga "jihadist" sa Pilipinas sa pag-atake sa Marawi City.
"Children of the caliphate in eastern Asia, we congratulate you for taking Marawi," ayon sa umano'y tagapagsalita ng IS na si Aboulhassan al-Mouhajer sa isang kumakalat na audio message sa internet.
Inatake ng mga miyembro ng ISIS-inspire Maute group ang Marawi City noong Mayo 23 na nagtulak kay Pangulong Duterte na isailalim sa batas militar ang buong Mindanao.
Ayon sa militar, umabot na sa 26 na sibilyan at 58 pulis at sundalo ang napapatay sa krisis.
Umabot naman sa 138 na mga miyembro ng Maute group ang pinaniniwalaan ng militar na napapaslang sa Marawi.
Sa nasabi ring audio message, hinikayat ng tagapagsalita ng IS ang mga jihadist na maglunsad ng mga pag-aatake sa United States, Europe, Russia, Australia, Iraq, Syria, Iran at Pilipinas sa kapanahunan ng Ramadan na nagsimula sa bansa noong Mayo 26.
Ang audio clip ay lumabas sa channel ng Islamic State sa Telegram, isang encrypted messaging application.
Bagama't hindi pa makumpirma kung ang audio nga ay tunay na galing kay Al-Muhajir, sinasabing ang boses na ginamit ay kaparehas ng naunang audio message na nanggaling din sa IS spokesman.
"O lions of Mosul, Raqqa, and Tal Afar, God bless those pure arms and bright faces, charge against the rejectionists and the apostates and fight them with the strength of one man," sinabi ng audio. Ang “Rejectionist” ay isang derogatory term na ginagamit ng ISIS para sa mga Shi'ite Muslims.
"To the brethren of faith and belief in Europe, America, Russia, Australia, and others. Your brothers in your land have done well so take them as role models and do as they have done." —Jamil Joseph Santos/ALG, GMA News
