Lisensyadong guro na ngayon ang isang dating tindero at kasambahay mula sa Buhi, Camarines Sur, nang makuha niya ang ikatlo sa pinakamataas na grado sa katatapos lang na National Licensure Examination for Teachers.

Naulila na si Richard Cavillas sa kaniyang ama at tatlo pang kapatid, samantalang namamasukan bilang kasambahay ang kaniyang ina.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing napagkalooban ng scholarship si Richard at nakapagtapos dahil na rin sa kaniyang pagsisikap.

"Proud din ako sa anak ko. Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagsuporta, tumulong, para maabot niya ang pangarap niya," sabi ni Felisa Cavillas, nanay ni Richard.

Hindi inintindi ni Richard ang mga pagsubok ng buhay para magsumikap na makapag-aral at makapagtapos.

"Mag-aral lang nang mabuti. Kung hindi man makapasa, marami pa ring tiyansa. Sige lang nang sige!" payo ni Richard sa mga mag-aaral.

Anak din ng isang kasambahay sa Corcuera, Romblon ang 2nd placer sa LET na si Dana Kaye Fabiala.

Si Dana ay nagtapos ng magna cum laude sa kursong Bachelor of Elementary Education sa Romblon State University ngayong taon.

Pinag-aral si Dana ng kaniyang tiyuhin dahil walang sapat na kita ang mga magulang niya. —Jamil Santos/NB, GMA News