Nakunan sa surveillance camera ng isang condominium building sa Makati City ang walang sabi-sabing pagbaril ng isang lalaki sa mukha ng nakaupong security guard. Ang suspek, tinutugis na ng mga pulis at itinuturing "armed and dangerous."

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa CCTV na nakaupong nakikipagkuwentuhan sa isang lalaki sa ground floor ang biktimang guwardiya na si Aniceto Mangaser, 52- anyos.

Maya-maya lang, dumaan sa harapan ni Mangaser ang suspek na si Mark Anthony Garcia Yap, 30-anyos, bumunot ng kalibre .38 baril at pinaputukan sa mukha ang biktima.

Tinamaan sa pisngi si Mangaser na nagawang makatakbo habang nilingon pa siya ng suspek bago tuluyang umalis.

Nadala naman sa ospital ang biktima at ligtas na sa peligro pero kailangan pa niyang sumailalim sa operasyon para maalis ang bala sa kaniyang pisngi.

Napag-alaman na bisita ng isang tenant ang suspek, na sinita ng guwardiya dahil sa pagiging maingay dulot ng kalasingan.

Nakipagtalo daw ang lalaki pero hinayaan na rin lang umano ng guwardiya.

"Hindi kami nagkaintidihan, sabi ko sa kaniya, 'huwag na tayo mag-usap, dahil hindi tayo magkakaintidhan. Kausapin mo si ate Aida. Kung may reklamo ka sa akin, ikaw umakyat sa taas.' Yun lang sinabi ko, tapos nilayuan ko na," kuwento ng biktima.

Itinuturing ng Makati police na armed and dangerous ang suspek na kanila na ngayong pinaghahanap.-- FRJ, GMA News