Pito katao ang patay sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Quezon City nitong madaling araw hanggang umaga ng Miyerkoles.

Sa ulat sa News To Go, tatlong hindi pa nakikilala at pinaghihinalaang carjacker ang napaslang ng mga pulis matapos mambiktima ng isang taxi driver.

Sumakay ang dalawang suspek sa taxi na minamaneho ni Henry Camarines Sa Commonwealth Avenue bandang 1 a.m. at dinaanan nila ang isa pang suspek sa New Manila.

Pagsakay ng pangatlong suspek, nagdeklara ang mga ito ng holdap at sapilitang kinuha ang P3,000 kinita, cellphone at bag ni Camarines.

Tinangay din ng mga suspek ang taxi na dala ni Camarines.

Mabilis na nakahingi ng tulong ang taxi driver sa mga pulis at agad na nagsagawa ng dragnet operation hanggang sa matiyempuhan ang tatlong suspek sa CP Garcia Avenue kung saan ang mga ito nanlaban umano at napaslang.

Dalawa namang pinaghihinalaang tulak ng droga na nakilala sa mga alyas na Bong at Lito ang napaslang ng mga pulis matapos ang isang buy-bust operation sa Doña Hemady Street, Barangay Kristong Hari bandang 6:40 a.m.

Nanlaban din umano ang dalawang suspek na napaslang ng mga pulis sa kanilang bahay sa naturang lugar.

Dalawa pang tulak umano ng droga ang napaslang din ng mga pulis sa magkahiwalay na operasyon sa Barangay Sto. Domingo at Barangay Pag-Asa. —ALG, GMA News