Nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad laban sa mga videoke bar sa lungsod ng Navotas na tambayan umano ng mga mangingisdang naghahanap ng panandaliang-aliw. Ang mga misis ng mga mangingisda, natuwa dahil doon daw nauubos ang kita ng kanilang mga asawa.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon matapos silang makatanggap ng mga reklamo mula sa mga asawa ng mga mangingisda.
"'Yung mga asawa ng mga mangingisda, lumapit sa amin na nagiging problema, na imbes pangkain na nga lang [ang kita]... napupunta pa sa beerhouse," sabi ni Police Superintendent Baltazar Rivera, regional chief ng Philippine National Police Maritime Group-National Capital Region.
"P500 daw po ang singil sa customer, P250 sa babae, P250 sa nagme-maintain," dagdag ni Rivera.
Tatlong babaeng menor de edad naman ang nailigtas ng mga awtoridad mula sa kamay ng dalawang bugaw na naaresto.
Paliwanag ng mga suspek na sina Narcisa Delos Reyes at Bernadette Sopema, matindi ang kanilang pangangailangan kaya sila humantong sa naturang iligal na gawain.
"Sampu po kasi ang anak ko eh. Nag-aaral po. Gusto ko po sila makapagtapos, kaya ganon... 'yung asawa ko nagsaside-car. Umuupa kami ng bahay, nasunugan kami noong May 21," sabi ni Delos Reyes.
"Ako lang din po bumubuhay sa mga anak ko, tatlo po ang anak ko. Wala akong asawa. Ako rin ang bumubuhay sa mga magulang ko," sabi naman ni Sopema.
Natuwa naman ang mga nagreklamong misis sa pagkakahuli sa mga bugaw.
"Lalo na po sa mga bata, gusto ng pera siyempre gagawin nila lahat para mabugaw sila. Kayo namang mga bugaw, tumigil na kayo para hindi na makasira ng ibang pamilya," pahayag ng isang nagreklamo. -- FRJ, GMA News
