Kabilang umano sina dating Presidential candidate Mar Roxas, dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, at ang aktor na si Jose Sixto "Dingdong" Dantes, sa listahan ng pinagpipilian ng oposisyon na isasabak sa Senate race sa 2019.

Ayon sa mga impormante mula sa opposition coalition na pinangungunahan ng Liberal Party,  kasama rin sa listahan ng pinagpipilian sina Magdalo Rep. Gary Alejano, Sen. Paolo Benigno "Bam" Aquino IV, dating Chief Justice Hilario Davide, Jr., human right lawyer Chel Diokno, dating Akbayan party-list Rep. Ibarra Gutierrez, Marawi-based aid worker Samira Gutoc, dating Solicitor General Florin Hilbay, dating Presidential spokesperson Edwin Lacierda, Atty. Romulo Macalintal, dating Deputy Speaker Lorenzo Tañada 3rd, dating Palace Undersecretary Manolo Quezon 3rd, at dating Social Welfare and Development Chief Corazon Soliman,

Samantala, maliban kay Dingdong, kabilang din sa listahan ang singer-actress na si Agot Isidro, at ang singer/activist na sina Leah Navarro at Jim Paredes.

Tumanggi ang mga impormante na magpabanggit ng pangalan dahil sa kawalan ng awtoridad na magsalita tungkol sa usapin.

Sa 18 pangalan, tatlo lang ang miyembro ng LP na sina Roxas, Tañada, at Aquino.  Ang iba naman ay mga dating opisyal at mga dating tagasuporta sa nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

"The final decision is with the party-leaders," ayon sa isang source.

Ang LP ay pinamumunuan ngayon ni Vice President Maria Leonor "Leni" Robredo.

Sa 18 pangalan, 12 ang pipiliin para maging pambato ng oposisyon sa senatorial race na ilalaban naman sa mga pambato ng administrasyon sa 2019 elections. — FRJ, GMA News