Naaresto na ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang masteral student ng Ateneo sa Marikina City habang patuloy na hinahanap ang isa pa, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Dobol B sa News TV nitong Miyerkoles.

Nahuli raw ang dalawang suspek sa Marikina Heights at Barangay Tumana sa pagitan ng 11 p.m. ng Martes at 1 a.m. ng Miyerkoles, ayon sa hepe ng Marikina City Police na si Senior Superintendent Roger Quesada.

Bukod sa dalawa, may isa pang suspek na pinaghahanap ng mga pulis.

Sabado ng madaling araw nang makita ng isang residente ang 24-anyos na si Francis de Leon, isang kawani ng Department of Education, na nakahandusay sa kalsada sa Barangay Concepcion Uno.

Nagtamo si Francis ng saksak sa leeg at sa dibdib na tumama sa kaniyang puso. Inulat ito sa nagpapatrol na mga tanod pero idineklara nang patay ang biktima pagdating ng rescue team.

Ayon kay Quesada, nahuli ang mga suspek nang kumanta ang isa nilang kasamahan.

Sabi ng impormante, gumagamit daw ng iligal na droga ang mga suspek at nag-iikot sa mga kalsada sakay ng motoriklo para maghanap ng biktimang mapagnanakawan.

Nitong mga nakaraang araw, mga taxi driver daw ang binibiktima ng mga suspek.

Maari raw makuha ng impormante ang P500, 000 na pabuya ng lokal na pamahalaan ng Marikina dahil sa pagbibigay ng impormasyon sa kaso, ayon kay Quesada.

Nakatakdang magsagawa ng press conference ang Marikina City Police nitong Miyerkoles ng hapon para ibigay ang iba pang detalye sa pagkakaaresto ng mga suspek. —Joviland Rita/KBK, GMA News