Hindi naging hadlang ang kahirapan para sa isang anak ng magsasaka na scholar na ngayon ng Harvard University sa Amerika.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang scholar na si Romnick Blanco, ikapito sa siyam na magkakapatid ng mag-asawang magsasaka.

Nakatira sila sa isang bukid sa San Miguel, Bulacan, kung saan suma-sideline minsan ang kaniyang ina sa pananahi ng basahan o pag-aalaga ng manok at baboy.

Ngunit dahil sa sipag at galing ni Romnick, siya ay naging scholar ng isang foundation na nagpapaaral sa kaniya sa isang international school sa Pasig City.

Pinagsabay naman niya ang pag-aaral at pagtatrabaho bilang magsasaka rin sa foundation na tumulong sa kaniya.

Sinubukan ni Romnick na mag-apply ng scholarship sa isang eskuwelahan sa Israel at sa Harvard University.

Pasado si Romnick sa Harvard University, kung saan kinuha niya ang kursong education.

Pangako ng masipag na si Romnick, dadalhin niya ang kaniyang mga magulang sa Amerika kapag nakapagtapos na siya ng pag-aaral. —Jamil Santos/ LDF, GMA News