Patay ang tatlong suspek sa gunrunning nang makipagbarilan umano ang mga ito sa mga pulis-Maynila sa Baseco Compound sa Tondo nitong Lunes ng madaling araw.

Mga miyembro umano ang mga suspek ng Oteb gunrunning group na pinaghihinalaang nagbebenta ng armas sa Metro Manila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Nakita sa CCTV na may isang motorsiklong may sakay na tatlong lalaki.

Pinaputukan ng lalaking nasa likod ng motorsiklo ang isa pang lalaki. 

Hindi malinaw kung sino ang lalaking tinamaan.

Target ang grupo sa isang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group at Manila Police District Station 5 sa Baseco Compound sa Tondo nitong Lunes ng madaling araw.

"Papunta pa lang 'yung tropa natin, palapit pa lang sa subject, du'n sa suspects natin, biglang nagpapaputok 'yung alleged na kausap nila," sabi ni Police Chief Inspector Nino Lope Briones, hepe ng CIDG Manila.

Naghabulan daw ng apat na kilometro ang mga suspek at operatiba.

"Nagkausap-usap kami ng tropa ng PS5. We are to conduct choke points and checkpoints para nga hindi na makaalpas sa atin, mahuli nga sana natin ng buhay ang mga ito. However, hindi naman natin ma-control 'yung situation dahil nagkaroon na nga ng putukan hanggang humantong sa lugar na ito," ani Briones.

Dead on the spot ang tatlong suspek nang sila ay ma-korner ng mga pulis.

Nakuha mula sa mga suspek ag isang granada, isang kalibre .45 na baril, isang 9-mm revolver, isang kalibre .38 na baril, at isang kalibre .22 na baril.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakailanlan ng mga suspek.

Base sa inisyal na imbestigasyon, ang lider na si Alyas Oteb ay may dati ng kaso na robbery.

Magsasagawa ng follow-up operations ang mga awtoridad para masukol ang iba pang miyembro ng grupo. —KG, GMA News