Pinag-iingat ng mga pulis ang mga motorista sa mga batang namamalimos sa Maynila na nambabato at nagbubuhos ng asido kung hindi mabibigyan, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa "Balitanghali" nitong Lunes.

Makikita sa isang viral video ang dalawang batang lumapit sa sasakyang may dashcam na naipit sa trapik sa V. Mapa Street sa Maynila.

Ayon sa uploader na si Cliff Irvine Aparicio, sapilitang nilinis ng mga bata ang windshield ng sasakyan niya, pagkatapos ay hiningian siya ng limos.

“In-on ko na yung wiper para di na sila lumapit. Pero patuloy pa rin na nililinis yung harapan kahit natatamaan na yung wiper,” sabi ni Aparicio.

Sumama ang mga bata sa dalawa pa na nanlilimos naman sa isang taxi.

Pumunta ang nasabing bata sa center island na parang may kinuha. Maya-maya ay binato niya ito sa taxi.

Ayon sa pulisya, hindi na raw bago ang modus na ito at hindi lang pambabato ang ginagawa ng mga nanlilimos kundi nagbubuhos din daw ng asido sa mga sasakyan ng mga hindi nakapagbibigay.

“Kung di mo bigyan, inii-scratch yung sasakyan,” sabi ng commander ng Manila Police District Station 8 na si Superintendent Ruben Ramos.

Minsan nga raw, may dala pa silang mga bote ng asido na ibinubuhos nila sa sasakyan ng motoristang hindi nagbigay ng limos.

Sabi ng mga awtoridad, wala namang lumalapit sa kanila para magreklamo kaya hanggang pagbabantay lang muna sila.

Magbibigay din sila ng mga  babala sa mga motorista na maging alerto sa mga ganitong insidente lalo na ngayong papalapit ang Pasko. —Joviland Rita/ LDF, GMA News