Arestado ang anim na suspek sa isinagawang operasyon kontra droga sa Cavite kung saan nabisto ang istilong door-to-door na delivery ng droga, ayon sa ulat ni John Consulta sa "Balitanghali" nitong Miyerkules.

Makikita sa surveillance video ng Bacoor Police ang transaksyon ng ilegal na droga sa tabi ng kalsada, kahit may dumadaang tao, tuloy pa rin ang pagbibilang ng pera at pag-aabot ng droga sa parokyano.

Nang makasakay na ng sasakyan ang mga suspek, hinabol na sila ng mga pulis Bacoor.

Nahuli sa operasyon ang anim na suspek, kabilang ang umano'y lider ng drug group na kinilalang si Grace Elarin.

Narekober sa kanila ang halos P400, 000 halaga ng shabu pati rin ang  sasakyang ginagamit nila sa door-to-door delivery.

“Nag-double time na rin sila kasi papasok ang kapaskuhan, kailangan nilang kumita,” sabi ng hepe ng Bacoor Police na si Police Superintendent Vic Cabatingan.

“Base sa information natin, wala silang pinipiling barangay. Kaya naalarma yung mga barangay captain natin dito, may kotseng pumapasok dito sa disoras ng gabi, pero araw natin sila nakuha,” sabi ng hepe.

Iginiit naman ng sinasabing lider ng drupo na si Elarin, napag-utusan lang daw siya na mag-deliver.

“Yung lider ,'di po namin alam. Call to call lang kasi. Wala po akong trabaho, tapos yung dalawa kong anak maliit pa,” sabi ng suspek.

Sinusuri na ng mga pulis ang mga cellphone ng mga naaresto para tugisin ang iba pa nilang kasamahan.

"Sa tulong ng mga nakumpiskang cellphone ay tutuntunin natin ang supplier nila ng droga," sabi ng Cavite Provincial Police Office director na si Police Superintendent William Segun. —Joviland Rita/ LDF, GMA News