Bigo ang dalawang kabataan na edad katorse at kinse na tuluyang matangay ang motorsiklo na kanilang ninakaw matapos silang sumempleng habang sakay nito sa Quezon City. Ang kanilang biniktima, kaibigan pa man din ng kanilang mga magulang.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, nakunan sa CCTV ng Barangay Pansol, Quezon City ang dalawang menor de edad na suspek habang may binubutingting sa isang nakaparadang motorsiklo.

Kapag may dumadaan, tumitigil ang dalawa at kunwaring nakaistambay lang. Pero nang mapaandaw na nila ang motorsiklo, sumakay na ang dalawa at umalis.

Pero habang papatakas, nawalan sila ng balanse, bumangga at tuluyang sumemplang. Dahil sa nangyari, iniwan na lang nila ang motorsiklo.

Ayon kay Joseph Mahusay, chairman ng barangay, nagtago pa muna ang dalawa bago nila naaresto at saka ipinaubaya sa kinauukulan dahil mga menor de edad.

Sabi pa ng punong barangay, kahit mga menor de edad ay sanay at planado kung magnakaw ng motorsiklo ang dalawa dahil nagagawa nilang mapaandar ang sasakyan.

Kuwento naman ng may-ari ng motorsiklo na kaibigan pala ang mga magulang ng mga suspek, tatlong beses na siyang nanakawan ng motorsiklo.

Matagal na rin daw siyang duda sa dalawa pero ngayon ay nakatitiyak na siya matapos mahuli sa CCTV ang kanilang ginawang pagnanakaw.

"Buti nga ngayon may CCTV na talagang naaktuhan talagang sila, talagang sila," ayon kay Amalia Pantas.

Kasalukuyang nasa youth home ang dalawang bata, habang ipinapasailalim naman sa seminar ang mga magulang nila. -- FRJ, GMA News