Isang bangkay na nakasilid sa garbage bag ang natagpuan sa kahabaan ng C. P. Garcia Road sa Quezon City nitong Huwebes ng umaga, ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa Dobol B sa News TV.

Agad na pinuntahan ng mga pulis ang lugar para i-proseso bilang crime scene matapos matanggap ang impormasyon mula sa mga residente hinggil sa natagpuang garbage bag.

Miyerkoles ng gabi pa araw napansin ng isang guwardiya ng UP Campus ang naturang garbage bag sa kalye na hindi naman daw kahina-hinala sa simula.

Pero kinabukasan ng umaga, dumating ang garbage truck na nangongolekta ng basura at may napahiyaw dahil tao pala ang laman ng bag.

Binuksan ang isang bahagi ng garbage bag at nakumpirma nga na katawan ng tao ang nakasilid sa loob nito.

Ayon sa mga residente, madalas na tapunan ng bangkay dati ang nasabing lugar. —Joviland Rita/KBK, GMA News