Nagkarambola and tatlong sasakyan sa intersection ng Ayala Extension at Metropolitan Avenue sa Makati City madaling-araw nitong Huwebes.

Isang SUV, AUV, at kotse ang sangkot sa insidente.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nag-beat ng red light ang SUV na galing ng Ayala Extension patawid ng South Avenue.

Photo by Darlene Cay
Photo by Darlene Cay

Yung dalawa pang sasakyan ay galing sa Jupiter St. at patawid sa Metropolitan Avenue.

Naka-go na raw ang mga sasakyan na galing sa Jupiter kaya nabangga ng tumatawid na SUV. Wasak ang unahan ng kotse.

Pahayag ni Eric Cerezo, driver ng SUV, galing daw siyang party at aminadong nakainom siya.

Pero kaya niya pa naman daw magmaneho. Nanindigan din siyang naka-green and traffic light.

Wala namang nasaktan sa insidente.

Isasailalim sa test ang driver at kapag napatunayang nakainom nga ay sasampahan siya sa reklamong driving under the influence. Mahaharap din siya sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property. —LBG, GMA News