Nabiktima ng budol-budol ang magkasintahang may-ari ng isang tindahan sa Barangay Bagong Silang, Caloocan City.

Sa ulat sa "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV ang pagbaba ng suspek na babae mula sa isang pulang kotse.

Pumasok siya sa isang tindahang pagmamay-ari ng mga biktima at doon na raw isinagawa ang modus.

Ayon sa biktimang si Lilian Quirante, bigla na lang daw sumulpot ang babae at umastang kakilala nila ng kanyang nobyo.

"Bakit 'di ka nagpapa-rebond na sabi n'ya sa akin. Sabi ko rebond? Hindi kasi kaka-rebond ko lang. Sabi n'ya ay meron pala akong relo na ibebenta sayo," kwento ni Lilian.

Sabi raw ng suspek, P16,000 ang halaga ng relong dala niya pero bagsak-presyo na niyang ibebenta sa halagang P4,000 dahil gipit siya.

May dala pa umanong resibo ng relo ang babae.

"Nawala ako sa sarili ko. Binigay ko na lang 'yung pera," sabi ni Lilian.

Nakaalis na raw ang suspek at natangay na ang P4,000 nang mahimasmasan ang mga biktima kaya't hindi na nila ito naabutan nang habulin nila.

Napag-alaman ding peke ang ibinentang relo ng suspek nang ipakilatis ng magkasintahan sa isang sanglaan.

Apat na minuto lang ang itinagal ng pakikipag-usap ng suspek sa mga biktima at nangyari ang insidente bago magtanghali.

Paalala ng mga awtoridad sa publiko ngayong magpapasko, huwag agad magtitiwala sa mga hindi kakilala lalo na kung may mga inaalok na hindi kapani-paniwala ang halaga. —Dona Magsino/LBG, GMA News